30 Saknong Tula : Ang Himagsikan

by - February 24, 2015

Ang Himagsikan
by Chiqui V.

May kasaysayan ang bayang Pilipinas
Nariyan ang mga gawain na madahas
Mayroon ding panahong maaliwalas
Lahat-lahat ng ‘yan, di dapat kumupas

Kung ano man tayo sa kasalukuyan
Tandaang kaugnay ito sa nakaraan
Ang ‘sang perlas di magiging kagandahan
Kung di ‘to nakadanas ng kadiliman

Tatlong daang taong pagkakaalipin
Dati ngang imperyong kanilang pasanin
Mata nilang luhaa’y kapansin-pansin
Tignan Pilipino, saiyo nakatingin

Si Rizal ay nagsikap na ipaalam
Himagsikan na kanila ngang dinamdam
Si Ibarra o Simou’y ipinahiram
Upang pasakit nila ay di maparam

Si Ibarra’y ang Pilipino rin noon
Ang kwento ng buhay niya sa mag-hapon
Ang kwento rin ng mga Indiong taga-roon
Mga kwentong sa hinagpis ay umaayon

Tayong mga Pilipino’y sadyang mabait
Hindi nga umimik kahit pa nilait
Si Ibarra nga ay iyan ang sinapit
Naging tahimik kahit sya pa’y ginipit

Pero ikaw ay hindi maniniwala
Kung sino ang sa kanya ay nagkasala
Isang paring sa kanya ay naghinala
At nagdulot ng labis na tanikala

Siya na dapat na magiging sandigan
Ng katotohanan at kapayapaan
Ay ‘sya pang umabuso sa kahinaan
Ng bayang kanya ring nasasakupan

‘Pag noon ikaw ay isang Pilipino
Sa pari, ika’y di dapat matalino
Nasa doktrina lang ang iyong anino
Kahit di maintindihan kahit ano

Mga Indio’y sa kura ay di pumapalag
Kahit anong utos di sila lalabag
Takot maparusahan, kahabag-habag!
Sa paring mistulang D’yos, sila’y mga bihag

At nasan ang kanilang pamahalaan?
Bakit mga Indio’y di man lang matulungan?
Hayun, nandun sila, busog ang kalamnan
Samantalang mga Indio’y nasa kangkungan

Magsumbong man at sa kanila’y lumapit
Di ka papansinin pag wala kang kapit
Lalapit ka na may pag-asa na higit
Uuwi kang luhaa’t walang sinapit

Bihirang ang katarungan ay matamo
Ng isang magsasakang nagsusumamo
Araw-araw ka lamang na manlulumo
Wala kang laban, yan ang tatandaan mo

Ang mga lakas mo’y bigla na lang tatakas
Kapag ang guardia sibil ika’y pinosas
Katarungan ay dadaanin sa dahas
Bukas, bugbog-sarado ka nang lalabas

Kalaban ng isa, kalaban ng lahat
Kaya sa  Kastila wala kang panapat
Gobyerno at simbahan na noo’y sikat
Pag nagsama na’y walang makakaawat

Kaya kahit na may mali ang mga kura
Ang pamahalaan ay hindi kokontra
Bisig lang sila na sati’y nakatira
Ngunit ang pinakaulo ay mga kura

Kung gayo’y kanino nga sila aasa?
Sa isa’t-isa na noo’y walang pwersa?
Wala.... kaya’t tiisin na lang mga pasa
Mawawala din ‘to tulad ng pag-asa

Nagpatuloy nga ang buhay nilang ganon
Mga magsasaka’t mangingisda sa nayon
Di humiling ng asenso sa ‘ting poon
Dahil bukas ay mawawala rin iyon

Kapag sa nayon nama’y mayroong pista
Mga negosyante’y maraming kinikita
Pagkat binibigay kahit ano ata
Dahil pag tumanggi ika’y masisita

Ang mga estudyante naman sa eskwela
Parang mga loro lamang na tumutula
Nagkabisa ngunit wala ring napala
Edukasyon talaga dati ay wala

Yan ang ilan lamang sa paglalarawan
Kung ika’y nanirahan sa nakaraan
Buhay mo ay nakalaan sa kawalan
Walang pupuntahan, walang kasiyahan

Laging balisa, namumuhay sa takot
‘O D’yos buhay ko’y dito lang ba iikot?’
Sa kadiliman ay lagi nalang balot
Araw-araw nadadag-dagan ang poot

Sa wakas! Ating bayan ay nagising na
Nagsawa na sa pagsasabi ng sana
Napagod na rin silang maging mahina
At sa kalayaa’y sila’y nahalina

Si Ibarra’y naging Simoun na matapang
‘Iba ang pagka-alipin sa paggalang!’
Mga Indio ay di na nakatunganga lang
Sa bawat pulo, mga bayani’y lumutang

Nauwi lahat sa isang rebolusyon
Ang puso’t isip nila ay sumang-ayon
Sa ‘ting kalayaa’y sila’y nakatuon
‘Sumugod ka Indio para sayong nayon!!’

Mga Pilipino ay hindi nagpagapi
Tama na ang pagiging bulag at pipi!
Kung sa kanila ay baril at salapi
Sa atin ay sumugod ang buong lipi

Kaya nama’y kahit maraming naghirap
Sa huli ay nakamtan rin ang pangarap
Dahil wala ng bagay ang mas sasarap
Sa ‘sang bayang Malaya sa hinaharap

Siguro si Rizal ngayo’y nakangiti
Alam na ang kwento ng bayan mong munti
Ang mga kabayanihan at mga pighati
Sa diwa mo sila ay laging babati

Dapat kang maging mabuting Pilipino
Iala’y sa bayan ang puso’t talino
Pagkamakabayan ay dapat mamuno
Yan ang pakatandaan ng kahit sino


Mapait ang mga dinanas ng bayan mo
Kaya’t ipagtanggol, irespeto mo ‘to
Pagkat walang ibang magmamahal dito
Kundi ikaw at ikaw lang Pilipino!



You May Also Like

0 comments